Sunday, March 14, 2004

Panlalambing

gustong-gusto kong naririning
tuwing sinasabi mong,
"naiinis ako sa'yo."
sabay pagkunot ng ulo mo,
at pag-iling na para bang
may lamok na lilipad-lipad
at di mawari kung dadapo ba sa ilong
o noo o tainga.

gusto kong nababasa ang mukha mo
sa miminsang pagkakataong
naiinis ka sa akin,
na hindi ko naman malaman ang dahilan,
ngunit gustong-gusto ko pa rin.

marahil ay masyado lang akong makwento.
marahil ay masyado akong tahimik.
o di kaya'y pag tinititigan kita
gustong-gusto kong nababasa
ang pananalita ng iyong mga mata
kahit inis man lang ang namumutawi
mula sa kanila.

kung sabihin ko kayang mahal kita,
maiinis ka kaya?
wag mong masamain sana,
hindi sa ginagago kita.
ngunit gustong-gusto ko lang
tuwing sinasabi mong naiinis ka.


-- para kay A.