“Sana umulan,” ang parating bulong ng aking kamalayan. Kahit nuong highschool pa lang ako, tuwing umaga pag lalabas ako ng bahay at magsisimulang maglakad papuntang eskuwelahan, unang dasal ko parati, “Sana umulan…” At pagkatapos makapag-antanda ay saka ko lang isusunod ang mga taong naghihirap sa mundo, ang mga gutom, ang mga walang matuluyan, ang aking mga kaibigan, ang lola ko, at ang pamilya ko. Ngunit nauuna talaga sa isip ko ang ulan.
Hindi naman siguro malakas na ulan, tulad ng ipinagdadasal ng karamihang estudyante. Hindi ko naman gusto yung tipo ng ulan na babahain nang lubos-lubusan ang ka-Maynilaan. Binabaha rin kasi ang kalye namin, at pumapasok pa sa loob ng bahay kaya mahirap ding ipagdasal yun, gustuhin ko man dahil mawawalan nga naman ng klase.
Ang gusto kong ulan ay yung kung nasa loob ka ng bahay namin at nasa may kusina ka’t nagkakape’t pandesal (o pag sinisipag ang tiya ay naiisipang mag-champoraodo), isang mahinahong tunog ng pagmartsa ng patak lang ang maririnig mo galing sa nagpapalakpakang yero at ulan. Marahil ay nakikipag-usap ka sa tiya mo, o sa lola mo, o sa kaibigan mo na naghihintay ng paghupa ng ulan pero hindi niyo kailangang magsigawan dahil sa sobrang lakas ng tunog ng bagsak ng tubig sa bubungan. Naririnig niyo pa naman ang tawa, ang pag-oo at pag-hindi ng bawat isa. (Marahil pati na rin ang tibok ng puso sa pagitan ng bawat paghinga…)
Ang gusto kong ulan ay yung hindi malakas, at hindi rin paambon-ambon lang. Yun bang kung lumabas ka sa kalsada at maglakad, ay para bang may karamay kang kaibigan. Yung para bang gusto mong makihiyaw, magtampisaw, at sumabay sa paghalakhak dahil sa isang bagay na nakakatawa na kayo lang dalawa ang nakakakaalam. At kung tatahimik ka ay pabulong na magsasabi ng sikreto tungkol sa lihim na pag-ibig ng buwan sa araw. Ng gabi sa liwanag. (Niya sa iyo…)
Ang gusto kong ulan ay yung titingala ka, pipikit, ngingiti, at magpapasalamat dahil alam mong ang ulan na iyong kaibigan, karamay, katipan ay isang pagbabasbas mula sa langit at patunay na may dahilan pang maging masaya habang ika’y nabubuhay. Iyon ang tipo ng ulan na pinapanalangin ko tuwing bago ako lumabas ng bahay.
Ngunit tulad ng maraming bagay na ating ipinagdarasal, hindi ito ipinagkakaloob sa atin. O marahil ay mas naaayon, hindi ito ipinagkakaloob sa atin sa panahong ating ito’y inaasahang dumating.
“Sana umulan,” ang sabi ko sa sarili. Tulad nung gabing nabanggit mo na kailangan mong umalis, mangibang bansa. Kailangan mo munang magpahinga, magpalayo, mapag-isa. May mga panahon din naman na inaamin ko sa sarili ko na hindi kita maintindihan, at hindi ko na pinipilit ang sarili kong intindihin ka. Ang kapal naman ng mukha ko kung isipin kong naiintindihan ko ang bawat pagtibok ng puso mo, dahil lang mahal kita.
Nag-alay na lamang ako ng mumunting dasal na sana kung saan ka man pupunta ay matagpuan mo ang katahimikang hinahanap mo. Inuna ko nang ipagdasal ka, saka ko na lang sinunod ang ulan.
Nang umalis ka, para bang sumama rin sa maleta mo ang ulan. Pakiramdam ko nagtampo, dahil sa kauna-unahang pagkakataon, may mas inuna akong dinalangin bago siya. Natandaan ko ang mga araw na nagmamaktol ako sa loob ng mainit at tahimik kong kwarto. “Ang daya-daya mo talaga,” ang sabi ko sa sarili. “Aalis ka na nga, sinama mo pa ang ulan.” Wala tuloy sumabay sakin nung tahimik akong nagsisisinghot sa sulok ng kwarto at umiiyak. Para akong bata na nilubog sa mainit na tubig at hinayaang malusaw sa sariling pawis at luha. Inaasahan ko ang lamig na yakap ng ulan, ngunit ipinagkait mo pa iyon sa akin.
Ngayon mas napapadalas ang dalangin ko. “Sana umulan…” Ang tahimik kasi. Ang init. Ang lungkot. Parang antagal na panahon nang huli kong marinig ang pagpalakpak ng ulan sa bubungan. Parang antagal na panahon nang huli akong nakatawa nang malakas kasabay ng isang matalik na kaibigan. At antagal-tagal na ring panahon nang huli akong nakarinig ng kwento ng mga nag-iibigan.
Kailan ako muling mabababasbasan? Kailan muling magkakaroon ng patunay na mayroon pang dahilan para maging masaya? Patuloy akong dumadalangin. “Sana umulan, sana umulan, sana umulan…”