Monday, February 18, 2008

Love In The Time Of Contracts



Mahirap ang buhay sa Pilipinas. Maraming hindi nakakatapos ng pag-aaral, napipilitang magtrabaho, kumita ng kahit papaano mapag-aral lang ang kapatid at makabili ng gamot para sa tatay na may diabetes. Anim na buwan -- parang ambilis ng panahon -- endo na naman. Magpapainom, magpapaalam sa mga kaibigan, at kinabukasan, maghahanap na ulit ng bagong trabaho, umaasang kakayanin ng sahod ang lahat ng gastusin sa bahay. Bawat barya itinatago. Ganito ang nakasanayang buhay ni Leo.

Ngunit sa kabila ng lahat, nagagawa pa ring makahanap ng puso ng mga sandaliang panibugho. Matapos ang nakakahapong araw, may maaasahan si Leo na yayakap at sasalo sa pagod, uupo sa tabi, at makikikinig sa tugtuging humuhuni sa kanyang dalang luma at sirang discman. Ayos lang ang buhay. Tanggap ni Leo na hanggang dito lang ang kanyang kayang magawa, at hindi na muna kailangang mangarap. 'Yun ay, bago matapos ulit ang anim na buwan, at kailangan na namang maghanap ng bagong mapagtatrabahuhan.

"Ang pangit, pangit ng buhay," ang malinaw na pagsambit ni Leo. "Pero napagtya-tyagaan ko." Ito ang mga katagang ibinubulong ng Endo. Simple lang mamuhay sa Pilipinas -- mahirap, ngunit napagtya-tyagaan. Na, hindi lang nadadala sa oo o hindi, tama o mali, dito o doon ang isang relasyon. Na, kapag nag-endo na ang pag-ibig, saka lamang natin mararamdaman kung gaano katamis -- at kahapdi -- ang pakiramdam nito, lalung-lalo na kung ang pinagmulang lugar, masikip man at maliit, ay di hamak na totoo.